Dear Tatay,
Magdadalawang dekada na simula nung huli tayong nagkita. Hindi ko na nga matandaan yung araw na iyon. Bigla ka na lang kasi nawala. Hindi nagpaalam. Sa matagal na panahong iyon ay inaliw ko ang sarili ko at hinayaang maniwala na hindi kita kailangan. At lumipas ang napakaraming taon na hindi kita naaalala. Inisip ko na kung nasaan ka man naroroon ay masaya ka siguro. Ngunit hindi pala kayang ibaon sa limot ang bagay na ganito, Tay. Darating din pala ang panahon, na para bang isang teleserye, kung saan ang anak ay hahanapin ang kanyang totoong magulang. O di kaya’y hahanapin ng magulang ang kanyang anak. Ngayon ay hinahanap-hanap kita, Tay. Pero para wala akong magawa. Para akong naka-caumatose. Hindi ako makagalaw kahit ang isip at puso ko’y gustong bumangon. Naparalisa na ang katawan ko sa paghanap sayo, Tay. Ngunit ang kagustuhan kong makita ka ay naririto pa rin. Gusto kitang makita, Tay. Nasaan ka na ba? Hinahanap mo rin ba ako? Nagkaroon na tayo ng pagkakataon noon, ngunit naduwag tayo. Natakot ako, Tay. Hindi ko kasi alam kung ano ba ang sasabihin sayo kung magkita man tayo noon. Natakot ako na bumalik ang mga mapapait na alaala. Natakot ako na makita kung anong kalagayan mo. Ayaw kitang makitang naghihirap o may sakit. Dahil tiyak na madudurog ang puso ko. Dahil sa dapat galit ako sa’yo eh. Dapat sumbatan kita. Hanggang ngayon, hindi ko pa rin naman alam kung ano ang sasabihin ko sa inyo. Pero gusto ko na kayo makita talaga. Masilip man lang.
Kapag nagpupunta ako sa mall o kung saang pampublikong lugar, iniisip ko, posible kayang naroroon ka din? Tay, hahanapin kita. Huwag mo akong pagtataguan ha? Gumala ka naman sa mall. O kaya pumunta sa mga lugar na madalas kong puntahan. Mag-facebook ka naman, Tay. O kaya maglagay ng kahit anong log sa internet, para mahanap kita kahit sa google. Tay, hahanapin kita ha? Ako, madali lang hanapin, Tay. Type mo lang pangalan ko sa google. O kaya bumisita ka lang sa bahay natin sa Bulacan, matagpuan mo kami dun ni Kuya Lawrence at syempre andun din si Mama. Huwag ka mag-alala di ko sasabihin kay Mama. Si Kuya jeff, nasa malaysia eh. Pero balang araw makikita mo rin siya. Basta hanapin mo rin kami, Tay. Nami-miss ka na namin. At ako miss na miss na kita.
Mutya
No comments:
Post a Comment